Magpapatupad ang Department of Health (DOH) ng ‘community-focused’ strategy para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa barangay level.
Ayon sa DOH, tutukan nila ang pinag-uugatan ng kaso kaya nakatuon sila sa mga barangay.
Ang pagtaas ng COVID-19 cases ay bunga ng pagkukumpol-kumpol ng mga kaso sa mga barangay.
Ipinatupad na ng DOH ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE), kung saan palalakasin ang prevent-detect-isolate-test-treat strategy.
Nakapaloob sa istratehiya ang community engagement activities tulad ng house-to-house symptom checks, RT-PCR testing sa symptomatic patients, at pagpapatupad ng Oplan Kalinga sa mga nangangailangan ng quarantine at isolation.
Mabibigyan din nito ng panahon ang healthcare system at healthcare workers na makapagpahinga.