Matapos humingi ng paumanhin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko makaraang magpabakuna ng Sinopharm anti-COVID-19 vaccine na hindi pa nabibigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration (FDA), sinabi ni FDA Director General Usec. Eric Domingo na gumagawa na ngayon ng guidelines ang Department of Health (DOH) hinggil sa pagbabakuna ng 2nd dose ng mga tumanggap nito.
Matatandaang kagabi ay sinabi rin ng Pangulo na isasauli na nya sa China ang 1,000 donasyong Sinopharm vaccines.
Ayon kay Domingo, pinag-aaralan na ng DOH kung anong bakuna ang maaaring iturok sa Pangulo para sa kanyang 2nd dose.
Paliwanag ni Domingo talagang may ganitong ginagawang pag-aaral ang DOH lalo na sa mga nabigyan ng bakuna na nakaranas ng severe allergy kung kaya’t iba nang bakuna ang ibibigay para sa kanyang 2nd dose.
Maliban kay Pangulong Duterte nabakunahan din ng Sinopharm si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Nabatid na karamihan sa mga naturukan ng Sinopharm ay ang mga kawani ng Presidential Security Group.