Hihingi ng tulong ang Department of Health (DOH) sa Office of the President para magkaroon sila ng exemption sa ilang probisyon sa ilalim ng procurement law upang makapag-advance payment sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Nabatid na sa ilalim ng procurement law, pinagbabawalan ang advance payment hangga’t hindi dumarating ang mga order o suplay.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, karamihan sa mga vaccine manufacturers at iba pang partners na kanilang kinakausap ay nire-require ang advance payment kung kaya’t gumagawa sila ng paraan para magkaroon ng exemption sa nasabing batas lalo na’t mayroong pandemic.
Sa kabila nito, pinapaalala ng DOH sa publiko na huwag munang asahan ang ginagawang bakuna kontra COVID-19 ng Pfizer at BioNTech kahit pa lumalabas na nasa 90% ang epektibo nito.
Sinabi ni Vergeire ang paalala kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na dapat matakot sa COVID-19 dahil parating na ang bakuna.
Muli rin iginiit ng DOH na kinakailangan mag-doble ingat ang publiko lalo na’t hindi pa nawawala ang virus.
Samantala, hindi naman pumasa sa itinakdang diagnostic performance ng World Health Organization (WHO) ang South Korean SD Biosensor COVID-19 antigen test.
Nabatid kasi na nakakuha ito ng mababang sensitivity rate sa isinagawang final validation at evaluation ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan nasa 71% sensitivity rate ang SD Biosensor antigen test kit na mas mababa sa 80% sensitivity na inirekomenda ng WHO.