Nakatakdang irekomenda ng Department of Health (DOH) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na palawigin pa ng isang linggo ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat na kalapit nitong probinsya dahil sa COVID-19 surge.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kulang ang isang linggo upang makita ang epekto ng ECQ partikular sa utilization rate ng ating health care facilities.
Para kay Vergeire, 2-weeks ECQ ang “ideal” na panahon para mapababa ang kaso ng COVID-19 cases at makapagpahinga ang mga medical frontliners.
Samantala, sa interview ng RMN Manila kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi niya na hangga’t maaari ay ayaw ng gobyerno na palawigin ang ECQ sa National Capital Region plus bubble.
Binigyan-diin ni Roque na kailangang may basehan para sa ECQ extension lalo na’t kailangang balansehin ang ating ekonomiya at health sector.
Kahapon, pumalo sa 10,016 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, pinakamataas simula nang pumutok ang pandemya.