Posibleng hindi matuloy ang halalan sa ilang mga lugar sa bansa kung makikitaan ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 hanggang sa araw ng eleksyon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bagama’t may ganitong posibilidad ay kailangan pa ring pagbasehan ang metrics ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng alert level system.
Kabilang sa metrics na ito at ang magiging sukatan para sa itatakdang alert level ay ang 2 week growth rate, average daily attack rate, at healthcare utilization rate.
Sa ngayon, bagama’t may bahagyang pagtaas ng kaso ay hindi pa naman ito sapat para sabihing kailangan nang magtaas sa Alert Level 2.
Inihalimbawa pa ng kalihim ang Marinduque kung saan mataas ang kanilang growth rate, pero nasa point 35 lamang per 100,000 population ang average daily attack rate at ang kanilang healthcare utilization rate ay mababa rin kaya maituturing pa rin itong low risk classification.