DOH, hindi na muna bibili ng COVID-19 vaccines hanggang sa katapusan ng taon

Hindi na muna bibili ng bakuna laban sa COVID-19 ang pamahalaan hanggang sa Disyembre.

Ito ay para maiwasan ang pagsasayang ng bakuna matapos mapagalaman sa ginanap na organizational meeting ng Committee on Health na 8.42 percent o mahigit 20 milyong bakuna na ang nasasayang sa iba’t ibang kadahilanan.

Sinabi ni Department of Health (DOH) OIC Usec. Maria Rosario Vergeire na batay sa kanilang pagtantya ay kakasya na ang mga natitirang bakuna hanggang sa Disyembre gayundin sa pagpasok ng 2023 para sa natitira pang bakuna mula sa 245 million doses na binili ng gobyerno at pribadong sektor.


Tiwala si Vergeire na sasapat ang bakuna dahil ang mga na-expire na COVID-19 vaccines ay handang palitan ng COVAX facility.

Nakipagugnayan na aniya sila sa COVID-19 facility para iakma ang schedule ng delivery ng bakuna sa takbo ng bakunahan sa bansa.

Mula sa 20% na eligible population na binigyan ng COVID-19 booster shot ay itataas na ang target sa 50% at kapag nagawa ito ay tiyak na makukunsumo ang lahat ng mga nakaimbak na bakuna.

Facebook Comments