DOH, hindi na nakapagtala muli ng kaso ng monkeypox matapos ang naunang kaso sa bansa

Hindi na muli nakapagtala ng kaso ng monkeypox sa bansa.

Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) OIC-Secretary Maria Rosario Vergeire sa organizational meeting ng Senate Committee on Health and Demography.

Sa presentasyon ni Vergeire sa Senado, mula nitong August 12 ay wala nang ibang naitalang kumpirmadong kaso ng monkeypox mula nang magkaroon ng unang kaso ang bansa noong July 29.


Aniya ang unang pasyente na nagkasakit ng monkeypox ay nakumpleto at tinapos na ang isolation.

Sinabi ni Vergeire na bilang tugon sa banta ng monkeypox ay pinulong ng DOH ang Inter-Agency Committee on Zoonotic Diseases kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture (DA) bilang co-convenors.

Dagdag ni Vergeire ang agad na pagpapatupad ng mahigpit na border control ang Bureau of Quarantine (BOQ), at patuloy rin ang negosasyon at pag-uusap ng mga vaccine manufacturers, private sector at Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa mga bakuna at gamot laban sa monkeypox.

Ikinakasa na rin ng DOH ang awareness campaign sa mga lugar upang malaman ng publiko kung paano maiiwasan at makakapag-ingat laban sa monkeypox.

Facebook Comments