Hindi pa irerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Department of Education (DepED) ang pagpapatupad ng class suspension.
Kasunod ito ng mungkahi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na kanselahin na ang klase at otomatikong bigyan ng pasadong grado ang mga estudyante bilang pag-iingat sa pagkalat ng virus.
Ito ay makaraang umakyat na sa anim ang kumpirmadong tinamaan ng sakit sa bansa kabilang ang kauna-unahang kaso ng local transmission.
Para kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi pa tama na magsuspinde ng klase dahil nasa code red sub-level 1 pa lang naman ang alerto ng ahensya.
Wala rin naman aniyang ebidensya na may transmission ng sakit sa kanilang lugar.
Irerekomenda lang aniya ng DOH ang suspensyon ng klase sa ilalim ng code red, sub-level 2 kung saan mayroon nang presensya ng “community transmission”.
Gayunman, desisyon pa rin aniya ng mga local executives kung magpapatupad sila ng class suspension.
Matatandaang ilang LGU na ang nagsuspinde ng klase bukas kasunod ng pagtataas ng alerto ng DOH dahil sa COVID-19.