DOH, hindi pa masabi kung naabot na ang flattening of the curve

Maingat ang Department of Health (DOH) sa pagbibitaw ng mga deklarasyon na nakamit na ng Pilipinas ang flattening of the curve para sa COVID-19 cases.

Nabatid na inihayag ng mga eksperto mula sa University of the Philippines OCTA Research na nakikitaan na ng pagpatag ng kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila at CALABARZON.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa nila maaaring masabi na nagkaroon ng pagbagal ng COVID-19 infections.


Iniiwasan nilang sabihin ang mga salitang ito dahil ayaw nilang magpakampante ang publiko.

Sinabi ni Vergeire na nagkaroon ng improvement pagdating sa reproduction rate, case doubling time, mortality doubling time at critical care utilization rate.

Para kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., maituturing itong “breath of fresh air” dahil nangangahulugan lamang ito na ang mga ginagawang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus ay nagbubunga na.

Hinikayat ni Galvez ang publiko na huwag pa ring ibaba ang lebel ng pag-iingat lalo na at iniiwasan ang second wave ng infection.

Iginiit naman ni Testing Czar Vince Dizon na hindi pa rin natatapos ang pandemya sa flattening of the curve.

Aniya, ang mga suliranin ng COVID-19 pandemic ay maaaring umabot pa hanggang sa susunod na taon.

Hindi pa rin dapat isantabi ng publiko ang banta ng virus habang pinaiigting ang COVID-19 interventions.

Nanawagan naman si Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko na huwag maging pabaya at patuloy na sundin ang minimum health standards.

Facebook Comments