Hindi pa rin dapat magpakakampante sa pagluluwag ng restrictions sa kabila ng unti-unting pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Sabi ni Health Undersecretary at treatment Czar Leopoldo Vega, ito ay dahil nananatili pa rin ang banta ng mga mas nakakahawang COVID-19 variants.
Inihalimbawa niya rito ang Delta variant na bagama’t wala pang local cases ay mayroon nang naitalang 17 kaso nito sa bansa na karamihan ay mula sa mga biyahero.
Giit pa ni Vega, ilang lugar din sa Visayas at Mindanao ang nakapagtala ng pagtaas sa COVID-19 cases.
Bilang tugon, nagpapadala na aniya ang pamahalaan ng mga medical equipment sa mga ospital sa Visayas at Mindanao kasama ang mga mechanical ventilators mula sa World Health Organization (WHO).
Una rito, tinukoy ng OCTA Research Group bilang areas of concern ang Davao City, Bacolod, Iloilo City, Cagayan de Oro at Tacloban.
Habang bumaba sa average na 700 ang naitatalang bagong kaso kada araw sa NCR mula June 15 hanggang June 21.