Pinagpapaliwanag ng Department of Health (DOH) ang mga COVID-19 testing laboratories na nagtigil operasyon noong Holy Week.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinag-aaralan na nila ang posibleng ipataw na parusa sa mga laboratoryo na nagtigil operasyon noong Semana Santa kahit na naglabas sila ng memorandum na ipinagbabawal ito.
Nilinaw naman ng DOH na ang pagbaba ng reproduction rate ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay hindi nangangahulugang bumababa na ang kaso dahil ilang laboratoryo ang hindi nagbukas at hindi nakapagsumite ng kanilang data noong nakaraang linggo.
Batay sa OCTA Research Group, bumaba ng tatlong porsyento ang naitalang bagong COVID-19 cases sa NCR sa pagitan ng Marso 31 hanggang Abril 6 mula sa 19% na pagtaas noong March 25 hanggang April 1.
Sa nabanggit ding linggo, naitala ang reproduction rate na 1.43 mula sa 1.53 nitong Abril 6 habang ang nationwide reproduction rate ay 1.45.