Kinuwestyon ni Senator Joel Villanueva ang paghirit ng Department of Health (DOH) ng 3.8 billion pesos para sa pagkuha ng temporary healthcare workers sa ilalim ng emergency hiring program nito.
Sa budget hearing ng Senado ay ipinunto ni Villanueva na mayroon pang mahigit 14,000 unfilled o bakanteng plantilla positions ang DOH.
Kaugnay nito ay hinihingi ni Villanueva sa DOH ang mga dokumento o kontrata para sa mga frontline healthcare workers na papalawigin pa ang serbisyo hanggang sa susunod na taon.
Iminungkahi rin ni Villanueva sa DOH na makipag-uganayan sa Civil Service Commission (CSC) sa pagkuha ng regular workers sa halip na contractual lamang.
Diin ni Villanueva, mahalagang maiayos ang sistema sa hiring ng DOH ng medical workers para matugunan ang pangangailangan na mapahusay ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Iginiit pa ni Villanueva na kung muling kukuha ng contractual employees ang DOH ay dapat matiyak na magiging kwalipikado rin sila na mabigyan ng special risk allowances, hazard duty pay at iba pang allowances na ibinibigay sa mga regular health care workers.