DOH, hinikayat ang publiko na magpabakuna sa gitna nang paglobo ng mga tinamaan ng pertussis at tigdas

Pinaalalahanan ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na samantalahin ang libreng bakuna laban sa mga sakit na iniaalok sa mga health center.

Ito’y sa gitna ng mga naitatala ng DOH na mga sakit na matutugunan sa pamamagitan ng bakuna partikular na rito ang pertussis o whooping cough na kilala sa tawag sa Filipino na ubong dalahit o tuspirina.

Mula sa 52 kaso noong 2019 na bumaba sa 27 noong 2020 at 23 noong 2023, umabot na sa 453 ang kaso ng sakit na nagdudulot ng matinding ubo sa unang 10 linggo ng 2024.


Ayon sa DOH, ang pertussis ay isang highly contagious o mabilis makahawa na bacterial respitarory infection na nagdudulot ng influenza-like symptoms tulad ng mild fever o mababang lagnat, sipon o colds at mga pag-ubo sa loob ng 7 hanggang 10 araw matapos mahawa.

Payo naman ng DOH, nagagamot ito ng antibiotics kaya’t mas mabuti nang maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 569 na kaso ng tigdas at rubella hanggang noong Pebrero 24 kung saan tumaas ang kaso nito sa bansa maliban sa Bicol at Central Visayas.

Kasama naman sa mga sintomas ng tigdas ay mataas na lagnat, ubo, runny nose, rashes sa katawan na madaling naikakalat sa pamamagitan ng hangin.

Facebook Comments