Hinihimok ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga kapatid nating Filipino Muslim na ipagdiwang na lamang ang Eid’l Fitr sa kani-kanilang mga tahanan.
Ito’y upang maging ligtas at maiwasan na mahawaan ng COVID-19.
Nabatid na ipagdiriwang ng mga Pilipinong Muslim ang Eid’l Fitr sa darating na Miyerkules, May 12, 2021.
Sa pahayag ng DOH, inirerekomenda nila na gawin na lamang din ang pagdarasal ng mga kapatid nating Muslim sa loob ng tahanan para masigurong ligtas sa virus.
Ang mga nagpaplano naman na gawin ito sa ibang lugar ay maiging sumunod sa ipinatutupad na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang pagpapairal ng physical distancing.
Maiging maghugas o i-sanitize ang mga kamay bago at matapos ang pagdarasal habang inirerekomemda rin ng DOH na gawin ang pagtitipon sa isang lugar na may maayos na ventilation.
Dagdag pa ng DOH, limitahan din ang pakikipag-usap ng hanggang 15 minuto upang matiyak na hindi mahawaan ng virus kung saan pinapayuhan nila ang mga Muslim na manatili na lamang sa bahay at huwag ng dumalo pa sa pagtitipon kung masama ang pakiramdam.
Matapos naman dumalo sa selebrasyon, agad na i-isolate ang sarili at i-monitor ang kalusugan sa loob ng 14 na araw.
Sakali naman may maramdaman na sintomas ng COVID-19, agad na makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Team o kaya ay tumawag sa kinauukulan upang mabigyan ng serbisyong medikal.