DOH, hinimok ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak

Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na makibahagi sa measles at polio vaccination campaign na magsisimula na sa susunod na linggo.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang proteksyon ng mga bata laban sa sakit ay mahalaga sa panahon ng pandemya.

“We should be vigilant about other diseases that can affect some of our most vulnerable like infants and children, even during the COVID-19 pandemic. The child’s first five years are very formative to his or her health,” sabi ni Duque.


Hindi aniya dapat palagpasin ng mga magulang ang pagkakataong ito na mabakunahan ang kanilang mga anak dahil may ilang sakit ang nagdudulot ng matinding epekto sa paglaki ng mga bata.

Ang immunization campaign ng pamahalaan ay isasagawa sa dalawang phase:

Ang unang phase ay mula October 26 hanggang November 25 sa Mindanao, Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA (Region 4-B) at Bicol Region.

Ang ikalawang phase naman ay isasagawa sa February 2021 sa Visayas, National Capital Region (NCR), Central Luzon at CALABARZON (Region 4-A).

Ang mga batang may edad 9 hanggang 59 months old ay bibigyan ng measles-rubella vaccine habang mga nasa 0 hanggang 59 months old ay maaaring mabigyan ng oral polio vaccines.

Pagtitiyak ng DOH ay proven tested at safe ang mga bakuna.

Facebook Comments