Ikinatuwa ng grupo ng mga nurse ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P1.185 billion na dagdag-pondo para sa Special Risk Allowance (SRA) ng mga healthcare workers.
Pero pakiusap ni Melbert Reyes, presidente ng Philippine Nurses Association (PNA), maipatupad sana nang maayos ang pamamahagi ng SRA.
Aniya, marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga healthcare workers na kulang o hindi pa rin nakakatanggap ng ibang mga benepisyo tulad ng meal, accomodation and transportation allowance at mga kompensasyon kapag tinamaan sila ng COVID-19.
Giit ni Reyes, hinayaan kasi ng Department of Health (DOH) na ipamahagi ng mga ospital ang SRA batay sa kani-kanilang interpretasyon sa batas.
“Malaki pa rin pong concern yung sa guidelines e. Hinayaan kasi ng DOH na i-interpret ng bawat ospital yung batas,” ani Reyes sa interview ng RMN Manila.
“Meron pong limitation yung batas na dapat with contact with COVID-19. So ang tendency po, hindi lahat nabibigyan. So, ang ginawa ng mga ospital, nag-request sila for those health workers na nagtatrabaho sa COVID ward and then nang makuha nila ang budget, idinivide nila sa lahat.
“Dapat kasi talaga walang limitation yung batas e, dapat walang pinipiling health workers kasi lahat naman sila at risk e, vulnerable. So yun po yung naging problem d’yan kaya sana dun sa susunod nilang ibibigay hindi na masyadong kumplikado yung batas,” giit pa niya.
Bukod dito, hindi rin aniya mino-monitor ng ahensya ang implementasyon ng SRA.
“Ang kakulangan, na-evaluate po ba? Na-monitor po ba yung implementasyon ng SRA? Kasi kung hindi, yan ang nangyayari, nagkakaroon ng problema,” dagdag niya.