Hinimok ng OCTA Research Group ang Department of Health (DOH) na simulan na ang information campaign hinggil sa pagpapabakuna.
Bagama’t hindi sapilitan, iginiit ni UP – OCTA Research Team fellow Prof. Ranjit Rye na dapat mabakunahan ang mga tao para malampasan ng bansa ang pandemya.
Base kasi aniya sa survey na inilabas ng OCTA noong Disyembre, 25% lang ng mga respondents sa Metro Manila, kung saan unang iro-rollout ang COVID-19 vaccination ang gustong magpabakuna.
Naniniwala rin si Rye na malaking bagay kung isasapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagpapabakuna.
“Malaki ang role dito ng Department of Health sa education campaign na dapat simulan na nila,” ani Rye sa interview ng RMN Manila.
“Yung leadership by example, importante ho talaga yan pero yun naman ay desisyon ng Presidente. Ang importante yung imformation campaign e. magandang bagay yun kung magpapabakuna siya in public… kasi mas marami ang magiging willing kapag nakita nila na ‘ay itong bakuna na to ginamit ng President’. Siguro gagawin naman niya eventually yan,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ni Rye, dapat na bilisan ng pamahalaan ang deployment ng mga bakuna oras na dumating na ito sa bansa.
Sa ngayon, nananatili aniyang episentro ng COVID-19 ang Metro Manila pero malakas din ang outbreak ng sakit sa labas ng rehiyon kaya dapat higpitan ang pagbabantay.
Umaasa rin si Rye na hindi talaga magkakaroon ng surge ng COVID-19 infections sa bansa sa halip ay bahagyang pagtaas lamang ng mga kaso.