Humihingi ngayon si Senator Sonny Angara ng update sa Department of Health (DOH) kaugnay sa pagbibigay ng benepisyo sa healthcare workers.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, nasa ₱13.5 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang pamamahagi ng P10,000 special risk allowance sa mga health workers na nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong ospital habang ₱3 billion ang nakalaan sa pagbili ng face masks, face shields at Personal Protective Equipment.
Ayon kay Angara, nagpadala na siya ng sulat kay Health Secretary Francisco Duque III para sa update kung natapos nang bigyan ang mga health workers na nagpo-protesta dahil hindi pa nakatatanggap ng nasabing allowance.
Matatandaang nagsagawa noon ng noise barrage ang mga empleyado ng National Kidney and Transplant Institute matapos na wala pa ring nakukuhang benepisyo ang ilan sa kanila.