DOH hospitals sa Northern Luzon, nakahanda na sa banta ng Bagyong ‘Uwan’

Nakahanda na ang mga ospital ng Department of Health (DOH) sa Northern Luzon sa banta ng Bagyong Uwan.

Kaugnay nito, ang DOH–Cagayan Valley Medical Center (DOH-CVMC) ay agad na nagpatupad ng surge facility conversion upang mapalawak ang kapasidad ng ospital. Sa kabuuan, nasa 750 hanggang 800 ang bed capacity ng nasabing pagamutan.

Nagsagawa rin ang DOH ng inspeksyon sa mga medical supplies at emergency medicines sa lahat ng critical areas kabilang ang ICU, delivery room, at wards.

Samantala, ang DOH–Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Ilocos ay naghanda na rin ng generator sets, electrical panels, wirings, at drainage systems upang maiwasan ang short circuits sa gitna ng pagbaha.

Naghanda rin ang mga ospital sa Norte ng mga sandbag na magsisilbing harang upang mapigilan ang pagpasok ng tubig sa loob ng pagamutan.

Nakaposisyon na rin ang underwater pump upang mapababa at makontrol ang lebel ng tubig sa paligid.

Tiniyak naman ng DOH na may sapat na pagkain at inuming tubig sa mga ward na aabot hanggang limang araw para sa mga pasyente at empleyado ng ospital.

Ang DOH–Batanes General Hospital ay nagdagdag ng 103 oxygen tanks na kinuha pa mula Maynila.

Tiniyak din ng DOH–Batanes General Hospital na handa silang tumanggap ng mga pasyente mula sa mga karatig-isla tulad ng Sabtang at Itbayat.

Naghanda rin ang kanilang outpatient department ng dalawang tent bilang karagdagang espasyo para sa mga pasyente.

Facebook Comments