DOH, humihiling ng ₱13.03-B na pondo para sa COVID-19 response sa susunod na taon

Ipinapanukala ng Department of Health (DOH) sa Kamara na bigyan ng ₱13.03 billion na alokasyon ang programa para sa implementasyon ng COVID-19 initiatives and health system resilience sa susunod na taon.

Sa ginanap na pre-budget hearing sa House Committee on Health ay hiniling ni Health Usec. Mario Villaverde ang nasabing pondo bilang COVID-19 response ng pamahalaan sa 2021.

Sa proposed ₱13.03 billion na budget, ₱290 million dito ay ilalaan para sa operasyon ng National Reference Laboratories, ₱2.5 billion naman ang alokasyon para sa National Immunization Program para sa procurement ng COVID-19 vaccines sa mga public health workers at senior citizens, at ₱3.7 billion na pambili naman ng mga protective gears at COVID-19 cartridges.


Nakapaloob din sa pondo ang ₱5.26 billion na pambayad utang sa World Bank at Asian Development Bank sa susunod na taon.

Mayroon ding ₱500 million na alokasyon para sa quick response fund ng mga health emergency response activities at pondo rin para sa commodities at capital outlay projects.

Sa kabuuan ay ₱127.29 billion ang hirit na budget ng DOH sa 2021 na mas mataas ngayong taon na nasa ₱100.56 billion lamang.

Malaking bahagi naman ng total budget ng DOH ay mapupunta sa Universal Healthcare Law na aabot sa ₱38.96 billion.

Facebook Comments