Humihirit si Department of Health Secretary Francisco Duque III ng dagdag ₱10 bilyong pondo para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng Universal Health Care (UHC) Law.
Paliwanag ni Duque, nagpadala na sila ng liham kay House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay nito.
Aniya, ilalaan ang pondo para sa pagpapaganda at pagsasaayos ng mga ospital, rural health units, Local Government Units (LGUs) hospitals, health care facilities, gayundin ang mga military hospitals.
Nagsumite si Duque ng ₱45 bilyong budget proposal nitong Hulyo pero ₱4.7 bilyon lamang ang naaprubahan.
Ilalaan ang ₱38.9 bilyon para sa implementasyon ng UHC Law mula sa ₱169 bilyong pondo ng DOH.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Mario Villaverde, mayroong 58 na probinsya at highly urbanized cities ang nasa listahan ng UHC integration sites ng 2021.