DOH, iginiit na base sa scientific evidence ang malaking bilang ng mga gumaling sa COVID-19

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na suportado ng siyensya ang inilabas nilang malaking bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mataas na bilang ng recoveries ay bunsod ng pagkokonsidera nila bilang recovered patients sa mga mild at asymptomatic.

Kung wala na aniyang sintomas ang pasyente tulad ng lagnat sa loob ng dalawang linggo, ikokonsidera na ito na gumaling sa virus.


Giit ni Vergeire, hindi ito haka-haka lang, kundi batay ito sa scientific evidence kung saan maging ang mga eksperto mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay sinusuportahan ito.

Maliban dito, inaasahan na rin aniya ang malaking bilang ng recoveries dahil 90 percent ng COVID-19 cases sa bansa ay asymptomatic.

Dagdag pa ni Vergeire, hindi epektibong paraan ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing para malaman kung gumaling na ang pasyente dahil masyadong sensitibo ang test na ito.

Sa katunayan, may mga pasyente aniyang 50 araw ng magaling pero nagpopositibo pa rin sa RT-PCR test.

Facebook Comments