DOH, iginiit na dapat masunod ang schedule ng pagpapabakuna upang hindi makompromiso ang efficacy nito

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na mahalagang masunod ang scheduling ng pagbibigay ng bakuna.

Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na sa mga bakunang dalawang beses dapat gawin, kailangang masunod ang schedule kung kailan dapat maiturok ang pangalawang dose.

Ayon kay Vergeire, mararating lamang kasi ang potential efficacy ng bakuna kung naibigay na ang ikalawang dose.


Magkakaiba aniya ang spacing ng mga bakuna ng iba’t ibang manufacturers, depende sa ginawa nilang pag-aaral.

Sa kaso aniya ng Pfizer, sa ika-21 araw naka-schedule ang ikalawang dose, habang ang AstraZeneca ay sa ika-4 na linggo hanggang ika-12 linggo pwedeng iturok ang ikalawang dose.

Giit ni Vergeire, hindi dapat patagalin ng higit sa nakasaad na panahon ang pagtuturok sa ikalawang dose dahil baka makaapekto ito sa efficacy ng bakuna kaya ipinapayo na maibigay ito sa tamang panahon o schedule.

Facebook Comments