DOH, iginiit na hindi nagpapabaya kasunod ng pangungulelat ng Pilipinas sa COVID resilience ranking ng Bloomberg

Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi sila nagpapabaya sa pagtugon sa pandemya.

Kasunod ito ng pangungulelat ng Pilipinas sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg.

Katwiran ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi naman isinama ng Bloomberg sa kanilang pag-aaral ang lahat ng mga bansa sa buong mundo.


Hindi rin dapat ikumpara ang Pilipinas sa ibang bansa gaya ng Amerika na bago pa man tumama ang pandemya ay mayroon na talagang matatag na healthcare system.

“We will always have different context. We cannot compare an apple with an orange, hindi po pwedeng gano’n,” giit ni Vergeire.

“Hindi po kami nagpapabaya sa ating response. Mula’t mula pa ho, nakita natin kung paano nag-improve ang state ng ating pandemic response. From just one laboratory in the outset of this pandemic we have almost 300 laboratories. From one just quarantine facility we have about… more than a hundred thousand beds.

“At yung bakuna natin, nung una po, we were just averaging 300 vaccines or jabs per day, we are now averaging 600,000 jabs per day. Let’s focus on what happening in our country,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, tiniyak ng Vergeire na tanggap nila ang mga ganitong pag-aaral.

Aniya, nakakapulot din naman sila ng mga paraan mula rito kung paano lalong mapapabuti ang pandemic response ng bansa.

Facebook Comments