Nanindigan ang Department of Health (DOH) na walang mali sa kanilang inilalabas na datos sa COVID-19 cases sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang statement ay ginawa ng DOH kasunod ng lumabas na pagkakaroon daw ng discrepancy sa number of cases sa Baguio City, sa tally ng City Government ng Baguio at sa ini-report ng DOH sa kanilang case bulletin nitong Enero 27.
Batay kasi sa report ng DOH nitong Enero 27, may 121 new cases na naitala sa Baguio City.
Pero kinuwestiyon ito ng Baguio City Health Office dahil 18 lamang anila ang kanilang new cases na naitala sa nasabing araw.
Ayon naman sa DOH, ang bilang ng mga kaso sa kanilang daily case bulletin ay isinumite lamang sa kanila ng DOH Epidemiology Bureau, dalawang araw bago ang nasabing araw na ini-report ang partikular na case bulletin at hindi sa mismong araw na iyon.
Ibig sabihin, number of cases na ini-report ng DOH noong January 27 sa kanilang case bulletin ay mula sa mga report na isinumite sa kanila noong Enero 25.
Habang ang number of cases na sinabi ng Baguio City Local Government Unit (LGU) ay batay sa numero na ini-report ng Baguio Disease Reporting Units noong Enero 27.
Ang numero na ito ay kailangan munang maberipika ng DOH Epidemiology Bureau at magre-reflect sa case bulletin sa ngayong araw pa lamang
Tiniyak din ng DOH na ang mga numero na isinusumite sa kanila ay dumadaan sa masusing validation bago nila isinasapubliko.