DOH, iginiit na national government pa lamang ang maaaring bumili ng COVID-19 vaccine

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa maaaring makabili ng bakuna kontra COVID-19 ang mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tanging ang national government pa lamang ang maaaring makabili ng COVID-19 vaccine dahil nasa Emergency Use Authorization (EUA) pa lamang ang mga ito na aaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).

Kinakailangan pa aniyang mayroong Certificate of Product Registration (CPR) bago makabili ang mga Local Government Unit (LGU) sa manufacturers ng naturang bakuna.


Paliwanag pa ni Vergeire, hindi pa mabibigyan ng CPR ang mga bakuna kontra COVID-19 dahil nasa Phase 3 o hindi pa tapos ang clinical trials ng mga ito.

Matatandaang ilang LGU na ang naglaan ng pondo para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Kabilang sa mga lungsod na naglaan ng pondo ay:

  • Pasig City – ₱300 million
  • Valenzuela City- ₱150 million
  • Makati City – ₱1 billion
  • Navotas City – ₱20 million
  • Puerto Prinsesa, Palawan – ₱227 million
  • City of Manila – ₱s250 million
Facebook Comments