DOH, ikinalugod ang alok ng CBCP na gawing vaccination sites ang mga simbahan sa bansa

Ikinalugod ng Department of Health (DOH) ang naging alok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na gawing vaccination sites ang mga simbahan sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, masaya siya sa alok ng CBCP kung saan ang mga simbahan ay maaring gawing alternatibong lugar ng pagbabakuna para sa mga lugar na may kakulangan sa pasilidad partikular ang mga malalayong munisipalidad.

Sinabi naman ni CBCP President at Davao City Archbishop Romulo Valles na handa silang magpabakuna sa harap ng publiko para magkaroon ng kumpiyansa ang publiko sa gagawing vaccination program ng pamahalaan.


Bukod dito, inihayag pa ni Archbishop Valles na ang kanilang hakbang ay upang makatulong sa malawakan at kumplikadong programa hinggil sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Sa kabila nito, sinisiguro ni Duque na sa pamamagitan ng plano ng Simbahang Katolika ay mapapabilis na nila ang pamamahagi ng health care services.

Iginiit pa ng kalihim na ang alok ng CBCP ay makakatulong rin para mahikayat ang publiko na magpabakuna.

Aminado pa si Duque na hindi kakayanin ng gobyernong kumilos nang mag-isa at kinakailangan daw ang lahat na tumulong upang maisakatuparan nang maayos ang COVID-19 immunization program.

Facebook Comments