Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na ilalabas nila ang mga bagong datos hinggil sa COVID-19 ngayong umaga.
Ito ay matapos mabigo ang ahensya na makapaglabas ng mga datos kahapon, July 12.
Paliwanag ng DOH, mayroong malaking volume ng datos ang kailangang iproseso para magkaroon ng iisang datos mula sa mga siyudad ng National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon.
Anila, patuloy ang validation ng Data Team sa mga datos para sa July 12.
Batay sa initial findings, mayroon pa ring pagtaas ng kaso, bilang ng mga gumaling at namatay.
Ang komprehensibong report ng DOH hinggil sa July 12 COVID-19 report ay ilalabas mamayang alas-8:30 ng umaga.
Nabatid na regular na naglalabas ang DOH ng COVID-19 updates tuwing alas-4:00 ng hapon pero ilang beses na rin itong naantala.
Sa datos ng DOH nitong July 11, aabot sa 54,222 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 14,037 ang gumaling at 1,372 ang namatay.