Monday, February 2, 2026

DOH ILOCOS REGION, HINIKAYAT ANG PAGWAWAKAS NG DISKRIMINASYON KONTRA LEPROSY

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Leprosy Day tuwing huling Linggo ng Enero, hinimok ng Department of Health Ilocos Region ang publiko na magkaisa sa pagwawakas ng stigma at diskriminasyon laban sa mga taong may leprosy o ketong.

Ayon sa ahensya, bagama’t nagagamot ang ketong, nananatiling hamon ang maling pananaw at diskriminasyon na nagdudulot ng takot, pag-iwas, at paghihirap sa mga naaapektuhan ng sakit.

Binigyang-diin na mahalagang tratuhin ang mga pasyente nang may respeto, pag-unawa, at pagkalinga upang mahikayat silang magpatingin at magpagamot nang maaga.

Pinaalalahanan din ang publiko na agad kumonsulta sa doktor kung may nararanasang sintomas ng ketong upang maiwasan ang komplikasyon at tuluyang mapuksa ang sakit.

Patuloy namang isinusulong ng DOH Ilocos Region ang mga kampanya sa impormasyon at edukasyon upang palakasin ang kamalayan, itaguyod ang malasakit, at magbigay ng pag-asa sa lahat.

Facebook Comments