Aminado ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na “underreported” o hindi lahat ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay naitatala.
Ito ang naging tugon ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, matapos na magtanong si Marikina Rep. Stella Quimbo sa ginawang pagdinig ng House Committee on Health.
Ayon kay Quimbo siya at iba pang kasamahan sa bahay ay tinamaan ng COVID-19 kung saan dalawa rito ay nakumpirma sa RT-PCR test habang ang iba ay nasuri na lamang sa pamamagitan ng antigen test.
Sinagot naman ni De Guzman na ang kasalukuyang bilang ng COVID-19 cases ay mula lamang sa RT-PCR tests at hindi isinasama ang mga bilang ng mga nagpositibo sa antigen tests.
Dagdag pa ni De Guzman, ganito rin naman ang sitwasyon sa ibang mga bansa na underreported ang mga numero o hindi lahat ng kaso ay naisasama.
Bukod dito, ang mga “asymptomatic” nga lang na hindi nade-detect ay hindi rin naibibilang sa kabuuan ng COVID-19 cases.