DOH, inatasan ang mga regional office na tutukan ang kalagayan ng mga residente na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon

Inatasan ng Department of Health (DOH) ang Centers for Health Development (CHDs) o regional offices na tiyaking may sapat na suplay ng kailangang pantugon sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Kasama rito ang N95 masks, goggles, water purification tablets o filters, mga gamot, hand sanitizers at antiseptic wipes.

Bukod dito, pinatututukan ng DOH ang mga lugar na peligro sa kalusugan.


Ayon kay DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo, kasama rito ang mga sakit sa baga dulot ng epekto ng abo mula sa bulkan, iritasyon ng mata at balat gayundin ang kontaminasyon ng tubig.

Sa memorandum ng DOH sa mga regional office nito, ipinaalala rin ang pagpapalakas ng pagbabantay at paghahanda sa posibleng epekto sa serbisyo ng insidente at pangangailangan palakasin ang koordinasyon sa mga lokal na gobyerno at iba pang ahensiya.

Pinaaalalahanan naman ng DOH ang mga ospital at health facility malapit sa Bulkang Kanlaon na iprayoridad ang pagtanggap sa mga buntis at ibang indibidwal na may komplikado sa kalusugan kung saan palalawakin pa ang kanilang kapasidad kung kinakailangan.

Facebook Comments