DOH, inatasan ng Kamara na mag-designate na ng mga ospital para gawing COVID-19 treatment centers

Hiniling nila Senior Deputy Minority Leader Janette Garin at Marikina Representative Stella Quimbo sa Department of Health (DOH) na mag-designate na ng mga piling ospital sa bansa para gawing COVID-19 treatment facility.

Ayon kina Garin at Quimbo, kailangan nang pumili at atasan ng gobyerno ang parehong public at private hospitals bilang COVID-19 treatment centers.

Inihalimbawa ni Garin sa Metro Manila na gawing dedicated hospital ang Lung Center of the Philippines at ilipat na lamang sa kalapit na pagamutan ang mga pasyente nito.


Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkahawa sa mga pasyente ng ospital na walang COVID-19 gayundin ang pagkahawa sa mga COVID-19 patients ng iba pang sakit.

Tinukoy ng mga kongresista na hindi sasapat ang public health system ng bansa para isailalim sa testing at managing ang mga COVID-19 patients.

Sinabi naman ni Quimbo na sa public sector ay mayroon lamang 297 isolation rooms at 48 negative pressure rooms.

Sa kabuuan aniya ay 345 lamang ang maximum capacity ng pamahalaan para sa testing at managing ng mga pasyenteng magkakasakit ng covid-19.

Makakatulong anila kung isasama sa ide-designate ang mga private hospitals dahil sa 49 na nagpositibo sa Coronavirus, 19 dito ay nasa mga pribadong pagamutan na kumpleto rin sa kagamitan.

Facebook Comments