Kinalampag ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang Department of Health (DOH) na maging transparent sa pagre-report sa kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa.
Giit ni Zarate, hindi na dapat maulit ang kapalpakan ng gobyerno sa African Swine Flu (ASF) na noong una ay sinasabi ng Department of Agriculture na kontrolado na nila pero kalaunan ay napag-alamang kumalat na pala sa ibang bahagi ng bansa.
Dapat, aniyang, payagan ng DOH ang mga ospital na may nagamot na COVID-19 cases na i-anunsyo ito.
Inihalimbawa ni Zarate ang ginawa ng Cardinal Santos Medical Center na inanunsyo sa publiko na mayroon silang sinuri na patient under investigation (PUI) na nakasalamuha ng pang-lima sa nagpositibo sa COVID-19.
Sa ganitong paraan, aniya, ay hindi magmumukhang kinokontrol ng pamahalaan ang impormasyon kaugnay sa sakit.
Masyado na rin, aniyang, huli ang pagdedeklara ng State of Public Health Emergency ng pamahalaan at dapat ay mas maagang naihanda ng DOH ang budgetary requirements para sana agad napondohan ang mga kailangan tulad ng testing kits, protective equipment para sa mga health workers at dagdag na human resources para sa epidemiologic surveillance at contact tracing.