Muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa pagbibigay ng impormasyon na may kinalaman sa kalagayan ng isang positibo sa HIV o AIDS.
Ayon sa DOH, maaaring maharap sa kaukulang parusa ang sinumang magbubunyag ng mga sensitibong impormasyon lalo na kung wala itong pahintulot.
Sa ilalim ng Republic Act no. 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act, mahigpit na ipinagbabawal na isapubliko ang kalagayan ng isang tao na may sakit na HIV at AIDS.
Matatandaang binatikos kamakailan ang abogadong si Atty. Larry Gadon matapos nitong sabihin sa isang radio program na HIV ang ikinasawi ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Kasunod niyan, nanawagan ang HIV advocacy group na The Red Whistle na tuluyan nang i-disbar si Gadon sa pagiging abogado dahil sa pagiging iresponsable nito.
Ayon sa pamilya Aquino, pumanaw si PNoy noong nakaraang Huwebes dahil sa renal disease secondary to diabetes.