
Iminumungkahi ng Department of Health (DOH) na maging National Public Health Emergency ang human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.
Bunsod ito ng biglaang pagtaas ng kaso ng HIV na umabot sa 500% kung saan ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng sakit sa Western-Pacific Region.
Sa datos na inilabas ng DOH, nasa 57 na ang kumpirmadong kaso ng HIV kada araw mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Dahil dito, pinapayuhan ng DOH ang publiko na magpa HIV test sakaling magkaroon ng sintomas lalo na’t libre ito at confidential ang impormasyon.
Bukod dito, muli rin nilang ipinapaalala ang paggamit ng condom, lubricants at PrEP o pre-exposure prophylaxis, na medikasyon o gamutan na nakatutulong sa pagpigil sa HIV infection.
Maigi rin ang pagkonsulta at pag-inom ng antiretroviral therapy para sa mga mayroon na o tinamaan ng HIV.









