Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na “improving” o maganda na ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng inilabas na report kamakailan ng Bloomberg na “worst place ranking” ang bansa pagdating sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Giit ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, patuloy ang pag-improve ng vaccination program at testing capacity ng pamahalaan.
Ayon kay Vergeire, simula noong Marso ay nasa 3,000 na ang daily jabs at posibleng maitaas pa ito sa isang milyon.
Nasa 260 laboratoryo na rin aniya ang nagsasagawa ng COVID-19 testing sa bansa kung saan nasa 70,000 hanggang 80,000 ang kanilang average test per day.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na patuloy ang pagtatrabaho ng pamahalaan para mapanatili at mas lalo pang mapaganda at ang COVID-19 response ng Pilipinas.