Ipinaliwanag ngayon ng Department of Health (DOH) ang dahilan kung bakit nagkaroon sila ng problema sa server ng COVIDKaya.
Ito’y matapos ang ilang araw na delay sa paglalabas ng mga datos ng COVID-19 Update partikular ang bilang ng mga kaso.
Ayon kay Dra. Alethea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng DOH, nagkaroon ng problema ang nasabing server mula September 23 hanggang 26.
Ito’y dahil sa limitadong kapasidad ng server ng COVIDKaya mula sa paghawak, pagtanggap at pag-proseso ng maramihang datos na nagmumula sa COVID Documents Repository System (CDRS).
Dahil dito, hindi na natanggap ng nasabing server ang pagpasok ng mga bagong datos at ma-update ito sa tamang oras.
Bunsod nito, nagsagawa sila ng manual na pagkuha ng mga datos para ipasok sa COVIDKaya at dahil dito, nagkaroon ng delay sa paglalabas naman ng datos ng bilang ng mga nasawi.
Sa ngayon, unti-unti na nilang naibabalik ang sistema sa pagkuha ng datos mula sa COVIDKaya kung saan nakikipagtulungan na ang DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para magkaroon ng long-term solutions para maiwasan ang problema at pagbagal sa sistema ng COVIDKaya.
Sa huli, sinabi pa ni Dra. De Guzman na ang isyu sa COVIDKaya ay walang impact sa assessment kung ano ang Alert Level System sa Metro Manila.