Mariing pinasinungalingan ng Department of Health (DOH) ang mga sabi-sabing hindi nila inasikaso ang mga dokumento para sa partisipasyon ng Pilipinas sa clinical trials ng COVID-19 vaccine manufacturer na Sinopharm.
Sa joint statement kasama ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Science and Technology (DOST), iginiit ng DOH na walang basehan ang mga akusasyon.
Paglilinaw ng ahensya, ang partisipasyon ng bansa sa ilang clinical trials kabilang ang Sinopharm ay aprubado ng Inter-Agency Task Force (IATF) mula pa nitong Mayo.
Sinabi ng DOST na nakipag-ugnayan sa kanila ang Sinopharm para sa dalawang proposals na may kaugnayan sa kolaborasyon.
Sinulatan nila ang Sinopharm at sinabing mayroon lamang pondo ang Pilipinas sa ilalim ng Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO).
Iniulat naman ng FDA na hindi nagpasa ang Sinopharm ng anumang application para sa clinical trials o Emergency Use Authorization (EUA).