Nilinaw ng Department of Health (DOH) na tanging Cebu City lamang ang inilagay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) habang ang Talisay City sa Cebu Province ang nasa ilalim ng Modified ECQ.
Ito ang pahayag ng DOH kasunod ng ulat na inilagay sa ECQ ang buong Central Visayas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang natitirang bahagi ng Region 7 ay nananatiling nasa General Community Quarantine (GCQ).
Iginiit ni Vergeire, wala silang awtoridad para maglabas ng ganitong impormasyon dahil tanging ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at si Presidential Spokesperson Harry Roque lamang ang maaaring malabas ng ganitong mga detalye.
Ang DOH Epidemiology Bureau ay inatasang bantayan ang sitwasyon sa Cebu City na nakikitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
Paliwanag ni Vergeire, mataas ang kaso ng COVID-19 sa Cebu City dahil aktibo ang kanilang contact tracing at expanded testing.
Posible ring nagkakaroon ng “clustering” ng mga kaso sa mga kulungan at komunidad, at ang pagdating ng returning overseas Filipinos.