DOH, itinangging mayroong VIP treatment sa COVID-19 immunization

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang “VIP treatment” sa mga government official kapag nagsimula na ang immunization program para sa COVID-19.

Una nang sinabi ng pamahalaan na ang mga ipaprayoridad na mabakunahan ay healthcare workers, mga mahihirap at mga unipormadong tauhan.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mahigpit nila babantayan ang vaccination drive sa tulong ng media.


Bukod dito, sinabi rin ni Duque na handa siyang humarap sakaling magsagawa ng pagdinig ang Senado hinggil sa sinasabing pagkakaantala ng pagbili ng COVID-19 vaccines ng Pfizer.

Iginiit ng kalihim na dapat maintindihan ng lahat ang proseso sa pagkuha ng bakuna – kabilang na rito ang pagpili, pagsasailalim sa scientific evaluation, pagbili, pamamahagi, pagtago, logistical requirements at ang aktwal na immunization program.

Ang storage requirement ng Pfizer vaccine ay nangangailangan ng “ultra-low storage facility.”

Facebook Comments