DOH, kinalampag na isapubliko ang presyo ng PCR test sa lahat ng lisensyadong laboratoryo sa bansa

Ipinasasapubliko ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Department of Health (DOH) ang presyo ng COVID-19 PCR test.

Isinisisi ng kongresista ang sobrang taas na singil sa pagpapa-swab test lalo na sa mga pribadong ospital at laboratoryo dahil sa kawalan ng pricing transparency.

Dahil dito, kinalampag na ni Pimentel ang DOH na isapubliko o i-post sa kanilang website ang eksaktong presyo ng COVID-19 PCR tests na iniaalok ng 191 licensed public at private laboratories sa buong bansa.


Ibinulgar ng kongresista na may ilang pribadong ospital ang nag outsource ng tests mula sa mga public laboratories pero sa halip na mura ay sisingilin ng napakamahal ang mga pasyente.

Iginiit ng kongresista na itigil na ng DOH ang pagtatago sa totoong presyo ng PCR test upang maprotektahan ang mga consumers at mapangalagaan din ang mga pasyente.

Kung magkakaroon ng transparency sa presyo ng swab test ay makakatulong ito sa mga pasyente na makapili ng nais na serbisyo sa nararapat na presyo.

Facebook Comments