DOH, kinilala ang serbisyo ng mga crew ng eroplano ng Lionair Inc. na bumagsak sa NAIA

Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Health o DOH sa mga naulila at mga kaibigan ng walong nasawing pasahero at crew members ng bumagsak na eroplano ng Lionair Inc. sa runway ng NAIA kagabi.

Sa statement ng DOH, sinabi nito na matagal na naging katuwang ng kagawaran ang Lionair Inc. sa pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Visayas at Mindanao.

Ayon sa DOH, malaking tulong ang ginawa ng Lionair Inc. sa paghahatid ng medical supplies sa mga ospital sa naturang mga rehiyon.


Sinabi pa ng DOH na sa katunayan, bago nangyari ang aksidente, nakapaghatid pa ang piloto at crew members nito ng health commodities at mga supply sa Zamboanga, Mactan, Iloilo, at Butuan.

Kabilang sa mga nasawi sa bumagsak na West Wind 24 Aircraft ng Lionair Inc. ang anim na crew ng medical evacuation mission nito patungo na sanang Haneda, Japan, gayundin ang mga pasahero nitong American National at Canadian.

Sinasabing ang Lionair Inc. din ang operator ng bumagsak na Beechcraft King Air sa Calamba City, Laguna noong September 2019, para sa isa ring medical evacuation flight kung saan namatay ang siyam na sakay nito.

Facebook Comments