Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau, simula noong nakalipas na linggo ay araw-araw na silang nakakapagtala ng malaking bilang ng mga bagong kaso.
Bukod sa National Capital Region (NCR), mataas din aniya ang kaso ng COVID sa Region-7 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa Metro Manila aniya, 55% ang itinaas sa mga kaso habang 49.66% sa Region-7 at sa CAR ay 12%
Sa NCR pa lamang aniya, 183 na mga barangay o 91% ng Pasay City ang apektado ng virus.
Kinumpirma rin ni Dr. de Guzman na 13.72% ang kabuuang itinaas sa kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Bunga nito, inirerekomenda naman ng DOH sa mga apektadong lugar ang pagpapatupad ng localized lockdown.
Habang sa panig ng DOH, patuloy aniya ang kanilang pagsasagawa ng genomic surveillance lalo na’t may naitala ng 6 na kaso ng South African variant sa Pasay City.
Umapela ang DOH sa publiko na mahigpit na sundin ang minimum public health protocols para maiwasan ang lalo pang paglobo ng kaso ng virus sa Metro Manila.