DOH, kinumpirma na unti-unti nang bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa

Ilang araw bago ang lifting ng Enhanced Community Quarantine sa Mayo a-15, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na nakakakita na sila ng unti-unting pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Dr. John Wong, isang associate professor mula sa Ateneo School of Medicine and Public Health at bahagi ng IATF sub-Technical Working group, mula noong March 5 hanggang sa ngayon ay nakikita na nila ang tinatawag na “flattening of the curve”.

Dito aniya makikita ang progess o nagiging takbo ng COVID-19 pandemic kung saan sinusukat ang doubling time o ang bilang ng mga araw at ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso o pasyenteng tinatamaan ng COVID-19.


Bumaba na rin anya ang positivity rate sa nakalipas na mga araw.

Pero bagama’t mayroon nang “flattening of the curve”, nagpaalala sa publiko si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi pa rin dapat magpa-kapampante ang lahat at dapat na maging mapagmatyag pa rin kontra sa COVID-19.

Sinabi naman ni Dr. Wong na ang pagdedesisyon kung tuluyan nang aalisin ang ECQ ay nasa kamay pa rin ng Inter-Agency Task Force.

Sinabi ni Dr. Wong na hangga’t walang bakuna kontra COVID-19, mahirap pang matukoy sa ngayon kung kailan tuluyang magtatapos ang COVID-19 pandemic.

Naniniwala rin si Dr. Wong na maganda ang naging epekto ng lockdown sa pagbaba ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Facebook Comments