DOH, kinumpirmang 40 medical personnel ng San Lazaro Hospital ang infected ng COVID-19

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ngayong July ay nakapagtala ang San Lazaro Hospital ng 40 medical frontliners na nahawaan ng COVID-19.

Ayon sa DOH, inaaksyunan na nila ang daing ng mga nurse ng San Lazaro hinggil sa kakulangan ng proteksyon sa kanilang trabaho laban sa virus.

Nilinaw naman ng DOH na ang pagtaas ngayon ng kaso ng COVID-19 ay bunga ng pagtaas ng bilang ng mga indibidwal na naisasailalim sa COVID testing.


Nakadagdag din rito ang pagtaas ng bilang ng mga natukoy na lugar na may community transmission.

Paliwanag pa ng DOH, ang mga bagong kaso na naitala ngayon ay mula sa resulta ng pagsusuri na ginawa ng 57 mula sa 83 na mga lisensyadong COVID laboratories.

Nagpaalala rin ang DOH sa proseso na kanilang pinaiiral sa pagdispose ng mga labi ng mga pasyenteng namatay sa nakahahawang sakit tulad ng COVID-19.

Partikular ang pagdispose ng labi sa loob ng labing dalawang oras matapos na ito ay pumanaw.

Inirerekomenda rin ng DOH ang cremation bagamat ginagalang nila ang paniniwala ng ibang relihiyon tulad ng mga kapatid nating Muslim.

Gayunman, kailangan mahigpit na sundin ang mga panuntunan sa tamang pagdispose nang hindi idadaan sa cremation.

Facebook Comments