Malabong pang ibaba ngayong Disyembre ng pamahalaan sa Alert Level-1 ang status sa buong bansa.
Paliwanag ni Health Sec. Francisco Duque III, ito ay dahil sa banta ng Omicron variant.
Sa ngayon aniya ay hinihintay pa ng pamahalaan ang ulat mula sa World Health Organization kaugnay sa Omicron variant upang masiguro na naka-calibrate ang COVID-19 response ng gobyerno.
Bagama’t wala pang nade-detect na Omicron variant sa mga sample na ipinadala sa Philippine Genome Center, sinabi ni Duque na pinalalakas na ang healthcare system capacity ng bansa bilang paghahanda sa Omicron variant.
Pinaigting na rin aniya ang Prevention, Detection, Isolation, Treatment, and Reintegration (PDITR) at vaccination strategies ng pamahalaan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi naman ni Bureau of Quarantine Deputy Director Dr. Roberto Salvador Jr., nakahanda sila sa pagpapatupad ng pinakamahigpit na border control sakaling magbaba ng kautusan ang Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa ngayon ay nasa 253 travelers mula sa South Africa ang naka-quarantine at mahigpit na binabantayan dahil sa posibilidad na maging carrier ng Omicron variant.