Kumikilos na ang Department of Health (DOH) para tulungan ang lokal na pamahalaan ng Baguio City para sa tulong medikal ng mga biktima ng diarrhea outbreak sa lungsod.
Ayon kay Dr. Albert Domingo ng DOH Central Office, may mga doktor na silang mangangasiwa sa mga government hospital sa Baguio City para agad mabigyan ng medical treatment ang mga biktima.
Bago pa nito ay nagpadala na aniya ang ahensya ng malinis na inuming tubig at oral rehydration solution o Oresol sa mga lugar na apektado ng outbreak.
Nakikipag-ugnayan na rin daw sila kay Mayor Benjamin Magalong at sa City Health Department ng Baguio City para tugunan ang nasabing problema.
Ang mga edad na dinala sa mga ospital dahil sa diarrhea ay mula tatlong buwang gulang hanggang 92-anyos.
Kaugnay nito ay pinayuhan ng DOH ang mga tao sa Baguio City na tiyaking malinis ang tubig na iniinom at ginagamit na pang luto.