Tiwala ang Department of Health (DOH) na kaya pa ring maabot ang target na “herd immunity” sa buwan ng Nobyembre.
Ito’y sa kabila ng naaantalang pagdating ng mga bagong supply ng mga COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi makakaapekto ang bahagyang pagka-delay ng delivery ng COVID-19 vaccines sa hinahangad na herd immunity lalo na sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga probinsya sa buong bansa.
Sa katunayan, mismong si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang nagpahayag na may darating na 11.5 milyong bakuna kontra COVID-19 ngayong linggo.
Dagdag ni Vergeire, nasa isa hanggang dalawang linggo lamang ang pagka-antala ng bakuna dahil sa hindi maiiwasang rason.
Matatandaan na nauna nang sinabi ng DOH na kung kinakailangan na maabot ang target na herd immunity, nasa 70% ng populasyon ang dapat na mabakunahan sa bansa.
Nilinaw naman ni Vergeire na nagkaroon ng sariling hakbang ang ilang mga lokal na pamahalaan sa ginagawang pagbabakuna habang hinihintay pa ang panibagong supply ng pagdating nito.
Iginigiit din niya na walang suspensyon ng vaccination at sa halip ay nag-focus muna ang ilang mga local na pamahalaan sa pagkakasa ng 2nd dose vaccination ng upang mas maraming residente ang maging fully vaccinated na.