Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na kakayanin nilang masugpo ang COVID-19 kahit pa hindi ibinigay ng budget department ang inihirit nilang pondo para sa taong 2021.
Sa pagdinig ng panukalang budget ng DOH, pinuna ng mga senador ang kawalan ng pondo para sa supply chain o ang pag-iimbak, distribusyon at pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19 para sa susunod na taon.
Ayon naman kay Sen. Pia Cayetano, ang pambili lang ng bakuna ang hiningan ng DOH ng pondo kung saan kailangan din ng budget para sa iba pang gastos tulad ng storage, transportasyon, pambili ng ilang medical supplies at trainings ng mga magsasagawa ng pagbabakuna.
Sa tantiya ng DOH, 7-B piso ang kakailanganin para dito lalo na kung ang bibilhing bakuna ay ang pinakamura na ang storage ay hanggang -10 degrees fahrenheit.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na nakakadismaya dahil maliit na nga ang budget sa pambili ng bakuna pero hindi pa isinama sa pinapopondohan ang supply chain na tiyak daw na mas mataas ang presyo keysa sa bakuna.
Iginiit ni Recto na may pagkakataon sila sa Senado na padagdagan ito kahit gawin pang 150 bilyong piso ang unprogrammed budget dahil ang mahalaga ay may stand-by authority na para pambili ng bakuna kapag naging available na ito.
Nabatid na nasa 212.7 bilyong piso ang inaprubahang pondo ng DOH at attached agencies nito para sa taong 2021.