
Maglalabas ang Department of Health (DOH) ngayong araw ng protocols sa pagbabakuna sa senior citizens at sa mga may comorbidities.
Ito ay sa harap ng pagsisimula ng pagbabakuna sa 2nd at 3rd group ng populasyon sa bansa sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ipinaliwanag naman ni Dr. John Wong, isang epidemiology expert na ang mga indibidwal na may comorbidities ay limang beses na mas nanganganib na malagay sa Intensve Care Unit (ICU) o mamatay kapag nagka-COVID-19.
Kinumpirma naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 14.5 million ng populasyon sa bansa ay may comorbidities.
Nilinaw rin ni Vergeire na maaari pa ring isabay sa pagbabakuna sa senior citizens at may comorbidities ang medical frontliners na hindi pa natuturukan ng COVID vaccines.
Kinumpirma rin ni Vergeire na ang susunod na batch ng AstraZeneca vaccines ay darating sa bansa ngayong Abril o di kaya ay sa Mayo.
Sa kabila naman ng paglobo ng COVID-19 cases sa bansa, walang balak ang DOH na magsagawa ng mass testing.
Sinabi ni Vergeire na kahit ang ibang mga bansa ay walang kakayahan na magsagawa ng mass testing.
Sa halip ay ang pagbabahay-bahay lamang ang inirerekomenda ng DOH para matukoy ang mga indibidwal na may sintomas o di kaya ay na-expose sa COVID positive.